1.15.2010

Naghahangad ako ng pag-ibig na parang Pagbabago,



Naghahangad ako ng pag-ibig na parang Pagbabago,
hindi ko ito nais na perpekto.
Ang nais ko dito ay unti-unti, hakbang-hakbang
gaya ng paggapang
ng isang sanggol na natututo pa lamang maglakad
sa mga baitang papanhik.
Hindi nangangako ng kaligtasan,
kundi pag-ibig na nagtutulak sa bingit
ng mga paraan, ng mga kahulugan
na gugulo sa tiwasay at nakasanayan;
naghahanap ako ng pag-ibig sa kamalian
at pagkatuto.
Naghahangad ako ng pag-ibig,
ng mga pag-ibig,
sa mga tanong na walang kasagutan
at mga paliwanag na walang dahilan.
Hindi nagtuturo ng iisang aral.
Nananabik ako sa pag-ibig, ngunit hindi sa tamis
o sa pait, o sa pakla: pag-ibig na walang panlasa
kahit na pandinig o pandama sa lamyos ng ligaya.
Ngunit hindi isang pag-ibig na dilim
kundi pag-ibig na nanganganak ng pag-asa:
mula sa naputol sa kuko o nalagas na buhok.
May pag-ibig sa sibol sa mabatong bundok
na dinadaluyan ng mga naipong hamog
sa pagitan ng matatalim nitong sulok.

12.28.2009

Maribel

Hindi ko malimutan

Kung paano mo ako itapon-saluhin

sa hangin: parang bola,

ayaw mong sa sahig tatalbog,

parang unan na niyayapos at hinahagkan,

makukulong sa lambot ng dibdib mo at bisig,

parang babasaging baso ng mananayaw ng ilaw,

kahit anong pihit, kahit anong ikot - maingat

na dalubhasa sa pag-angat sa aking ulo,

sa aking kamay – taas man o baba, kumanan, kumaliwa –

para akong dahon, parang bula na winawala ang grabedad,

tila ako ibon na dumadapo sa iyong dal’wang sanga.

Paru-paro ako. Bukadkad kang bulaklak.

Ang pinakamalinaw sa hinagap, kung paano nanlalabo ang lahat

tuwing bubuhatin mo ako sa dalwang kili-kili,

gamit ang mga kili-kili ng daliri ng hintuturo’t hinlalaki,

iiikot ng iiikot ng iikot hanggang mahilo,

pabilis ng pabilis ng pabilis.

At wala akong ibang maliwanag na makikita

kundi ang matigas kong hiyaw,

ang malutong mong tawa,

ang papahigpit mong hawak

sa kabataan kong lumilipad.



meron din sa talboskamote.multiply.com

11.28.2009

Bilin

ito ni tatay:


h’wag mong subukan

sirain ang baga

sa sigarilyo –

h’wag itong bisyo;

hindi ito tulong

sa buti mo,

naghahanap ka

ng ikamamatay,

sasayangin mo ang buhay.

Sabi ko sa’yo, wag na wag

mong magaya-gaya

ang ibang bata,

mukhang adik,

parang walang magulang,


habang

kanyang pinapatay

ang natitirang sindi sa nguso

ng naupos n'yang ‘boro.

Oda sa kama


Sa kama at kama at kama

ay naglalakbay tayo,

paglalakbay ng buhay.

Ang kasisilang, ang nasaktan,

ang mamamatay,

ang nagmamahal, ang nananaginip,

dumating at nalayo sa kama at kama.

Lahat tayo’y dumating at lahat tayo’y malalayo

dito sa tren, dito sa bangka,

dito sa ilog na kilala

ng lahat

ng buhay,

na pinagsasaluhan

ng lahat at bawat kamatayan.

Pag-ibig ang gumagawa sa mundo,

isang kama sa pagsibol, babad sa dugo.

Ang kapupunan ng Setyembre, ang linaw

na pinagpag

sa kumot ng kalangitan,

natutuyo.

Ang dagat

ay umuungol,

binatbat

ng isang

luntiang

sisidlan

ng

kalaliman,

lumilitaw sa puti ay itim na damit.


O dagat, kakilakilabot na kama,

buhay at kamatayang

pinipilipit ng walang katapusan,

at malayang hangin at tubig:

natutulog ang isda sa iyong kalooban,

at ang gabi,

at ang balyena.

Sa’yong pamamahinga

ang langit, sentrifugal

na mga abong namamatay na bulalakaw:


Pumipiglas ka, dagat,

kasama ng buhay ng lahat

na natutulog sa loob mo,

binubuo at winawasak mo

at lagi’t laging binabagong kama ng mga panaginip ng ikakasal.

Biglang kumidlat

sa dalawang mata ng purong forget-me-not

at ang mukha ng garing o ng mansanas.

Dinadala tayo sa daan

ng malalambaot na kumot

gaya ng malinaw na watawat, puting lily,

pababa kung saan tayo gumugulong

sa katapusang yakap.

Pagkatapos, ang kamatayan

tumatabi sa atin sa kama

kasama ng kanyang batik sa kamay

at asin sa dila.

Kanyang itinataas ang isang daliri

at itinuturo ang pampang,

ang lagusan sa namamatay na sakit.



Oda sa kama

Salin ng Ode to the bed, Pablo Neruda

Oda sa silya

Isang silya, mag-isa sa kagubatan.
Sa mahigpit na kapit ng mga baging
isang saradong puno ang umuungol.
Ang ibang baging ay paikot umaakyat,
duguang mga nilalang
sa kalaliman ng mga anino'y umaalulong,
mula sa berdeng langit ay nahuhulog ang mga higanteng dahon.
Pinatutunog ng ahas
ang kanyang tuyong buntot,
sumibad ang isang ibon
gaya ng palasong nakahumang sa inaasinta
habang hawak ng mga sanga ang kanyang biyolin.

Nagdadasal ng walang kibot
ang mga insekto
na sa mga bulaklak nauupo.

Lumulubog ang ating mga paa
sa itim na mga damo
ng kagubatang dagat,
sa mga ulap na hulog ng puno,
at ang tangi kong hinihingi
mula sa dayuhan,
para sa manlalakbay na naninimdim,
ay isang silya sa kakahuyan,
isang tronong alpombra
winawasak ng mga gumagapang na baging --
oo:
para sa taong lumalakad ng nakapaa,
isang silya na yayakap sa lahat,
matibay na pundasyon,
ang dakilang dignidad ng pagtindig.

Umatras kayo, uhaw na mga tigre
at insektong maninipsip ng dugo --
dunito kayo sa'king likod,
tubig na malangis,
dahong kulay kalawang,
ahas na walang kamatayan.
Dalhan mo ako ng silya
sa gitna ng kulog,
isang silya para sa akin
at sa lahat
hindi lamang pampaginhawa
sa pagod na katawan
ngunit
para sa lahat ng dahilan
at para sa sangkatauhan,
para sa nauubos na lakas
at para sa pagmumuni sa katahimikan.

Ang digmaan ay singlawak ng madilim kagubatan.
Ang isang silya
ang unang senyal
ng kapayapaan.


Oda sa silya
salin ng Ode to the chair, Pablo Neruda

11.25.2009

Waliswalis

http://talboskamote.multiply.com/journal/item/32/Waliswalis

At nanalo nga si Efren PeƱaflorida, hurray.

O, dapat masaya tayo na kahit hindi nanalo yung kandidata natin sa Ms. Earth 2009, may international awardee pa rin tayo.

A, e, kasi siguro ganito yun... pa'no ba...

Kunwari ako. Ako ang tagawalis ng buong bakuran namin. Mahusay akong magwalis dapat kasi kumpleto ako sa magandang waling tingting, malaki ang dust pan ko at may kalaykay pa ako para sa mga tuyong dahon. At tsaka matagal ko nang ginagwa ito, alam ko angpasikot-sikot ng bakuran. Alam ko ang tamang paghawak ng walis para hindi madislocate ang mga joints. Kaso gusto lang e matulog, kas may date ako mamayang gabi. So, natulog lang ako.

E may mga kapatid akong maliliit, sabihin nating mga 5 years old. Quintuplets sila. Masyado silang mga maawaing bata; naaawa sila kasi natutulog ako kasi daw pagod ako kakawalis. Yakap-yakap ko pa nga ang walis, dust pan at kalaykay habang natutulog ako.

Ang isa sa mga bulilit, e masipag, hindi nagmana sa akin, ay nakitang madumi talaga ang bakuran. Hinid na nya matiis ang dumi. Galit sya sa dumi, ipinaglihi sya sa Zonrox. Gusto nyang maglinis kaso wala syang walis. May nakita syang palapa ng niyog. Genius! Ginawa nyang walis.

Yung isa, mano-mano ang gusto. Nagpulot ng kamay with his bare hands. Wow.

Yung tatlo pa, nagLangit-Lupa.

Napagod ang mga naglinis. Naimbyerna kasi hindi sila matapos-tapos. Napagod ang mga naglaro kasi hindi pa rin matapos-tapos ang dalawa nilang kapatid e halos naliligo na sila sa pawis at alikabok.

Nagtaka na sila. Kung pagod si kuya sa paglilinis, bakit hindi pa malinis ang bakura?

At nagka-isa ang mga bulilit sa paghambalos sa akin ng mga dahon ng niyog.

THE END

*****
Masipag si Efren. Grabe sya sa inisyatibo. Ano pang masasabi mo sa pagiging selfless nya? Matiyaga. Maaruga. Matiisin. Ito ang papuri ko kay Efren.

Pero, dude, since time in memorial, pinondohan na ng taumbayan ang gobyerno para pag-aralang mabuti kung ano ba ang mahusay na paraan, mabilis, mabisa at episyenteng paraan ng pagkatuto. Pinag-aralan pa nila sa ibang bansa yan!

Sanay nang magwalis ang mga iyan. Dapat. Nasa kanila ang lahat ng makinarya para mailarga ng maayos ang sistema ng edukasyon.

What if, mali sila?

Tama pala na sa kariton mag-aral. Walang uniforms, walang classroom, nakalubog sa mga komunidad, walang report card, walang fieldtrips, walang test papers, parang naglalaro lang, nagkwekwentuhan.

Anong ginawa natin sa budget sa edukasyon? Para saan pa 'yon?

May magagawa ang bawat isa. Oo naman! Napatunayan na yon ni Efren, my men! Pero kung gusto talaga nating malinis ng husto ang bakuran, e sabay-sabay nating gisingin yung natutulog. Else, since hindi naman tayo mga 5 years old, kunin na lang natin yung mga gamit at tayo na lang ang gumamit.

11.24.2009

Nagpapakamatay/ Masokista/ Bobo daw/ Ako

http://talboskamote.multiply.com/journal/item/31

Hindi nakakaiyak magbasa ng dyaryo. Hindi naman kasi ito isang babasahing emosyonal; hindi nito intensyong gumawa ng drama. Pero para akong tanga kanina, habang nakasakay sa bus papasok, parang sinasakal ang leeg ko na hindi ako makahinga ng maayos sa pagpigil sa kung anomang lungkot na umaakyat sa ulo ko - nag-init ang batok at mata ko - dahil sa headline ng Inquirer tungkol sa masaker sa Maguindanao.

Mga journalists! A, hindi naman dapat nakakabigla sa lagay ng Pilipinas na pinapatay na lang ang mga journalist at brodkaster, parang mga gomang bibe na pinatutumba ng pellet gun sa perya. Yung bumaril, umaalis pa yang may premyo. Yung pag-alis nga nya mismo ng walang kaso, walang kulong, walang huli, ang premyo.

Pero iba to. Sa iisang pagkakataon, sampal sa mukha nating lahat kung anong kabulukan ang iniingatang pagtakpan ng estado. Hindi buwan o taon o araw, saglit lang kung paanong trigger-happyng pumatay ang mga hayop ng mga tao. At wala pa akong naririnig sa balitang may hinuli na o ikinulong, bagamat matigas ang mga daliring nakaturo sa iilang suspek.

Sa bahay, kung paanong pagsisisi na naman ni mama kung bakit pa nya ako pinalipat sa Journalism. Nakahapag sa harapan nya ang lahat ng dahilan para matakot, anong gagawin ko? Kakainin ko talaga ang mga kundisyon. Sinabi na nga ba nya at mamamatay at mamamatay lang ako sa gagawin ko. Pagtapos ng extended na ngang taon at gastos sa kolehiyo, papatayin din pala ako.

Hindi naman ako magpapapatay, sabi ko.

Hindi din naman ginusto ng 13 journalist na mamamatay, naisip ko.

Sa akin, nakakalungkot. Na ang sisi, ang bigat, ang kasalanan at malaking bagahe ng pagiging, o hindi pa nga, kundi nasa proseso pa lang ng "pagiging", journalist ay nasa mga taong ginusto lamang na maging journalist!

Kaya masisisi mo ba kung ang pipiliin kong linya ng pagsusulat/ pag-uulat ay sa mga girly, teen, fashion, food, travel, woman magazines? o dun na lang sa mga advertising firm pumosisyon, o maging PR manager ni Poncho Kandidato? a mga safe zone? kahit na alam natin kung ano talaga ang mas kailangang malaman ng marami?

Di ba, sino ba ang pinapagalitan ngayon ng nanay nila ngayon, iyon bang mga walanghiyang angkan ng mga pulitiko? iyon bang mga alyado nitong mamamatay tao? iyon bang presidenteng hanggang nagyon ay wala pa ring matalas na aksyon laban sa angkan ng mga alyado nyang walanghiya? iyon bang mga napakaraming nakadeploy na militar sa Mindanao, sa mga pulis, na wala pa rin yatang hinuhuling kahit sino?

Hindi, di ba?

Parang tinatanggap nating dogma, parang absolute equation. Journalist = Pinapatay. Pumipiling maging Journalist = Nagpapakamatay/ Masokista/ Bobo daw/ Ako.

Ano ba! Away pulitika; kung sino manalo, syang gaganansya sa yaman ng lugar nila. Pagpatay ng mga journalist para walang mag-iingay tungkol sa away. Panahon pa ni Marcos, o baka hindi lang, mayroon nang ganito.

Ayaw kong nasa akin ang sisi sa pagpili sa gusto kong gawin. Hindi naman dapat.

*****
Nandito ang balita tungkol sa isyu.
Ito ang tindig ng kolehiyo ko. Malapit nang lumabas yung sa Kalasag at sa UP Journalism Club. Meron yan. Dapat lang.

Nagkaroon ng candle lighting ang Kabataan Partylist at iba pang grupo kanina sa Boy Scout Monument, Tomas Morato, Q.C. bilang pagkondena sa pamamaslang.