(mababasa rin sa talboskamote.multiply.com)
hahalik sa pisngi, mahigpit na yakap,
kapit sa braso, dantay ng kamay sa balikat,
dalawang pisil, maliit na kaway, ngiti at tawa
papalabas, hahawak sa seradura,
hindi naman kinakalawang, tila tumigas pihitin,
mapapako pa sa pinto, ipapaypay
bukas-sara, magbababad sa hamba,
sino bang mauuna? kanya-kanyang bitbit
o magbubuhatan sa ilang bagahe – plastic o bag
o kahon hanggang sa kanto, mga pasalubong
na sisiguruhing ‘di nakalimutan; mga baon:
tubig, skyflakes, biogesic kapag nahilo,
plastic kung masuka man; mga bilin
na ikamusta-mo-ako-kay-ganito-kay-ganyan,
tatayo sa gilid ng kalsada,
pabaon ng mga ingat-ka, ingat-kayo,
isa pang kaway kung nakasakay na,
malakas na babay, pasigaw na ingat-kayo,
mas malaking kaway, mas mataas,
mas malawak ang pinupunasan na hangin sa paalam,
kaway pa ulit kahit na malayo na,
papahina, papaliit ang nakikita, humihina ang babay,
kahit bulong basta may tanaw na nakalingon pa,
tahimik ang babalikang sala, kusina, kwarto,
ililigpit na ang mga unan,
kumot, banig, kulambo, hiniram:
tsinelas, sabon, tuwalya; magliligpit,
magwalis, ibabalik ang mga upuan
na iginilid para luwangan ang sala
na pansamantalang tinulugan,
huhugasan ang maraming kutsara, tinidor, tasa,
plato at basong isosoli sa tokador pagkatapos
dahil mga laan lamang sa mga bisita,
walang kibuan sa mga naiwan,
nagpapakiramdaman, yabag ng kung sinoman
ang magbalik bigla sa lumisan, iluluwa ng pinto
o sisilip mula sa bintana,
para kunin ang naiwan,
kung meron man,
umaasang meron
para magkatotoo ang inihahandang tawa
at ano-ka-ba-naman, muli
hahalik sa pisngi, mahigpit na yakap…
ngunit wala.