12.28.2009

Maribel

Hindi ko malimutan

Kung paano mo ako itapon-saluhin

sa hangin: parang bola,

ayaw mong sa sahig tatalbog,

parang unan na niyayapos at hinahagkan,

makukulong sa lambot ng dibdib mo at bisig,

parang babasaging baso ng mananayaw ng ilaw,

kahit anong pihit, kahit anong ikot - maingat

na dalubhasa sa pag-angat sa aking ulo,

sa aking kamay – taas man o baba, kumanan, kumaliwa –

para akong dahon, parang bula na winawala ang grabedad,

tila ako ibon na dumadapo sa iyong dal’wang sanga.

Paru-paro ako. Bukadkad kang bulaklak.

Ang pinakamalinaw sa hinagap, kung paano nanlalabo ang lahat

tuwing bubuhatin mo ako sa dalwang kili-kili,

gamit ang mga kili-kili ng daliri ng hintuturo’t hinlalaki,

iiikot ng iiikot ng iikot hanggang mahilo,

pabilis ng pabilis ng pabilis.

At wala akong ibang maliwanag na makikita

kundi ang matigas kong hiyaw,

ang malutong mong tawa,

ang papahigpit mong hawak

sa kabataan kong lumilipad.



meron din sa talboskamote.multiply.com