12.28.2009

Maribel

Hindi ko malimutan

Kung paano mo ako itapon-saluhin

sa hangin: parang bola,

ayaw mong sa sahig tatalbog,

parang unan na niyayapos at hinahagkan,

makukulong sa lambot ng dibdib mo at bisig,

parang babasaging baso ng mananayaw ng ilaw,

kahit anong pihit, kahit anong ikot - maingat

na dalubhasa sa pag-angat sa aking ulo,

sa aking kamay – taas man o baba, kumanan, kumaliwa –

para akong dahon, parang bula na winawala ang grabedad,

tila ako ibon na dumadapo sa iyong dal’wang sanga.

Paru-paro ako. Bukadkad kang bulaklak.

Ang pinakamalinaw sa hinagap, kung paano nanlalabo ang lahat

tuwing bubuhatin mo ako sa dalwang kili-kili,

gamit ang mga kili-kili ng daliri ng hintuturo’t hinlalaki,

iiikot ng iiikot ng iikot hanggang mahilo,

pabilis ng pabilis ng pabilis.

At wala akong ibang maliwanag na makikita

kundi ang matigas kong hiyaw,

ang malutong mong tawa,

ang papahigpit mong hawak

sa kabataan kong lumilipad.



meron din sa talboskamote.multiply.com

11.28.2009

Bilin

ito ni tatay:


h’wag mong subukan

sirain ang baga

sa sigarilyo –

h’wag itong bisyo;

hindi ito tulong

sa buti mo,

naghahanap ka

ng ikamamatay,

sasayangin mo ang buhay.

Sabi ko sa’yo, wag na wag

mong magaya-gaya

ang ibang bata,

mukhang adik,

parang walang magulang,


habang

kanyang pinapatay

ang natitirang sindi sa nguso

ng naupos n'yang ‘boro.

Oda sa kama


Sa kama at kama at kama

ay naglalakbay tayo,

paglalakbay ng buhay.

Ang kasisilang, ang nasaktan,

ang mamamatay,

ang nagmamahal, ang nananaginip,

dumating at nalayo sa kama at kama.

Lahat tayo’y dumating at lahat tayo’y malalayo

dito sa tren, dito sa bangka,

dito sa ilog na kilala

ng lahat

ng buhay,

na pinagsasaluhan

ng lahat at bawat kamatayan.

Pag-ibig ang gumagawa sa mundo,

isang kama sa pagsibol, babad sa dugo.

Ang kapupunan ng Setyembre, ang linaw

na pinagpag

sa kumot ng kalangitan,

natutuyo.

Ang dagat

ay umuungol,

binatbat

ng isang

luntiang

sisidlan

ng

kalaliman,

lumilitaw sa puti ay itim na damit.


O dagat, kakilakilabot na kama,

buhay at kamatayang

pinipilipit ng walang katapusan,

at malayang hangin at tubig:

natutulog ang isda sa iyong kalooban,

at ang gabi,

at ang balyena.

Sa’yong pamamahinga

ang langit, sentrifugal

na mga abong namamatay na bulalakaw:


Pumipiglas ka, dagat,

kasama ng buhay ng lahat

na natutulog sa loob mo,

binubuo at winawasak mo

at lagi’t laging binabagong kama ng mga panaginip ng ikakasal.

Biglang kumidlat

sa dalawang mata ng purong forget-me-not

at ang mukha ng garing o ng mansanas.

Dinadala tayo sa daan

ng malalambaot na kumot

gaya ng malinaw na watawat, puting lily,

pababa kung saan tayo gumugulong

sa katapusang yakap.

Pagkatapos, ang kamatayan

tumatabi sa atin sa kama

kasama ng kanyang batik sa kamay

at asin sa dila.

Kanyang itinataas ang isang daliri

at itinuturo ang pampang,

ang lagusan sa namamatay na sakit.



Oda sa kama

Salin ng Ode to the bed, Pablo Neruda

Oda sa silya

Isang silya, mag-isa sa kagubatan.
Sa mahigpit na kapit ng mga baging
isang saradong puno ang umuungol.
Ang ibang baging ay paikot umaakyat,
duguang mga nilalang
sa kalaliman ng mga anino'y umaalulong,
mula sa berdeng langit ay nahuhulog ang mga higanteng dahon.
Pinatutunog ng ahas
ang kanyang tuyong buntot,
sumibad ang isang ibon
gaya ng palasong nakahumang sa inaasinta
habang hawak ng mga sanga ang kanyang biyolin.

Nagdadasal ng walang kibot
ang mga insekto
na sa mga bulaklak nauupo.

Lumulubog ang ating mga paa
sa itim na mga damo
ng kagubatang dagat,
sa mga ulap na hulog ng puno,
at ang tangi kong hinihingi
mula sa dayuhan,
para sa manlalakbay na naninimdim,
ay isang silya sa kakahuyan,
isang tronong alpombra
winawasak ng mga gumagapang na baging --
oo:
para sa taong lumalakad ng nakapaa,
isang silya na yayakap sa lahat,
matibay na pundasyon,
ang dakilang dignidad ng pagtindig.

Umatras kayo, uhaw na mga tigre
at insektong maninipsip ng dugo --
dunito kayo sa'king likod,
tubig na malangis,
dahong kulay kalawang,
ahas na walang kamatayan.
Dalhan mo ako ng silya
sa gitna ng kulog,
isang silya para sa akin
at sa lahat
hindi lamang pampaginhawa
sa pagod na katawan
ngunit
para sa lahat ng dahilan
at para sa sangkatauhan,
para sa nauubos na lakas
at para sa pagmumuni sa katahimikan.

Ang digmaan ay singlawak ng madilim kagubatan.
Ang isang silya
ang unang senyal
ng kapayapaan.


Oda sa silya
salin ng Ode to the chair, Pablo Neruda

11.25.2009

Waliswalis

http://talboskamote.multiply.com/journal/item/32/Waliswalis

At nanalo nga si Efren PeƱaflorida, hurray.

O, dapat masaya tayo na kahit hindi nanalo yung kandidata natin sa Ms. Earth 2009, may international awardee pa rin tayo.

A, e, kasi siguro ganito yun... pa'no ba...

Kunwari ako. Ako ang tagawalis ng buong bakuran namin. Mahusay akong magwalis dapat kasi kumpleto ako sa magandang waling tingting, malaki ang dust pan ko at may kalaykay pa ako para sa mga tuyong dahon. At tsaka matagal ko nang ginagwa ito, alam ko angpasikot-sikot ng bakuran. Alam ko ang tamang paghawak ng walis para hindi madislocate ang mga joints. Kaso gusto lang e matulog, kas may date ako mamayang gabi. So, natulog lang ako.

E may mga kapatid akong maliliit, sabihin nating mga 5 years old. Quintuplets sila. Masyado silang mga maawaing bata; naaawa sila kasi natutulog ako kasi daw pagod ako kakawalis. Yakap-yakap ko pa nga ang walis, dust pan at kalaykay habang natutulog ako.

Ang isa sa mga bulilit, e masipag, hindi nagmana sa akin, ay nakitang madumi talaga ang bakuran. Hinid na nya matiis ang dumi. Galit sya sa dumi, ipinaglihi sya sa Zonrox. Gusto nyang maglinis kaso wala syang walis. May nakita syang palapa ng niyog. Genius! Ginawa nyang walis.

Yung isa, mano-mano ang gusto. Nagpulot ng kamay with his bare hands. Wow.

Yung tatlo pa, nagLangit-Lupa.

Napagod ang mga naglinis. Naimbyerna kasi hindi sila matapos-tapos. Napagod ang mga naglaro kasi hindi pa rin matapos-tapos ang dalawa nilang kapatid e halos naliligo na sila sa pawis at alikabok.

Nagtaka na sila. Kung pagod si kuya sa paglilinis, bakit hindi pa malinis ang bakura?

At nagka-isa ang mga bulilit sa paghambalos sa akin ng mga dahon ng niyog.

THE END

*****
Masipag si Efren. Grabe sya sa inisyatibo. Ano pang masasabi mo sa pagiging selfless nya? Matiyaga. Maaruga. Matiisin. Ito ang papuri ko kay Efren.

Pero, dude, since time in memorial, pinondohan na ng taumbayan ang gobyerno para pag-aralang mabuti kung ano ba ang mahusay na paraan, mabilis, mabisa at episyenteng paraan ng pagkatuto. Pinag-aralan pa nila sa ibang bansa yan!

Sanay nang magwalis ang mga iyan. Dapat. Nasa kanila ang lahat ng makinarya para mailarga ng maayos ang sistema ng edukasyon.

What if, mali sila?

Tama pala na sa kariton mag-aral. Walang uniforms, walang classroom, nakalubog sa mga komunidad, walang report card, walang fieldtrips, walang test papers, parang naglalaro lang, nagkwekwentuhan.

Anong ginawa natin sa budget sa edukasyon? Para saan pa 'yon?

May magagawa ang bawat isa. Oo naman! Napatunayan na yon ni Efren, my men! Pero kung gusto talaga nating malinis ng husto ang bakuran, e sabay-sabay nating gisingin yung natutulog. Else, since hindi naman tayo mga 5 years old, kunin na lang natin yung mga gamit at tayo na lang ang gumamit.

11.24.2009

Nagpapakamatay/ Masokista/ Bobo daw/ Ako

http://talboskamote.multiply.com/journal/item/31

Hindi nakakaiyak magbasa ng dyaryo. Hindi naman kasi ito isang babasahing emosyonal; hindi nito intensyong gumawa ng drama. Pero para akong tanga kanina, habang nakasakay sa bus papasok, parang sinasakal ang leeg ko na hindi ako makahinga ng maayos sa pagpigil sa kung anomang lungkot na umaakyat sa ulo ko - nag-init ang batok at mata ko - dahil sa headline ng Inquirer tungkol sa masaker sa Maguindanao.

Mga journalists! A, hindi naman dapat nakakabigla sa lagay ng Pilipinas na pinapatay na lang ang mga journalist at brodkaster, parang mga gomang bibe na pinatutumba ng pellet gun sa perya. Yung bumaril, umaalis pa yang may premyo. Yung pag-alis nga nya mismo ng walang kaso, walang kulong, walang huli, ang premyo.

Pero iba to. Sa iisang pagkakataon, sampal sa mukha nating lahat kung anong kabulukan ang iniingatang pagtakpan ng estado. Hindi buwan o taon o araw, saglit lang kung paanong trigger-happyng pumatay ang mga hayop ng mga tao. At wala pa akong naririnig sa balitang may hinuli na o ikinulong, bagamat matigas ang mga daliring nakaturo sa iilang suspek.

Sa bahay, kung paanong pagsisisi na naman ni mama kung bakit pa nya ako pinalipat sa Journalism. Nakahapag sa harapan nya ang lahat ng dahilan para matakot, anong gagawin ko? Kakainin ko talaga ang mga kundisyon. Sinabi na nga ba nya at mamamatay at mamamatay lang ako sa gagawin ko. Pagtapos ng extended na ngang taon at gastos sa kolehiyo, papatayin din pala ako.

Hindi naman ako magpapapatay, sabi ko.

Hindi din naman ginusto ng 13 journalist na mamamatay, naisip ko.

Sa akin, nakakalungkot. Na ang sisi, ang bigat, ang kasalanan at malaking bagahe ng pagiging, o hindi pa nga, kundi nasa proseso pa lang ng "pagiging", journalist ay nasa mga taong ginusto lamang na maging journalist!

Kaya masisisi mo ba kung ang pipiliin kong linya ng pagsusulat/ pag-uulat ay sa mga girly, teen, fashion, food, travel, woman magazines? o dun na lang sa mga advertising firm pumosisyon, o maging PR manager ni Poncho Kandidato? a mga safe zone? kahit na alam natin kung ano talaga ang mas kailangang malaman ng marami?

Di ba, sino ba ang pinapagalitan ngayon ng nanay nila ngayon, iyon bang mga walanghiyang angkan ng mga pulitiko? iyon bang mga alyado nitong mamamatay tao? iyon bang presidenteng hanggang nagyon ay wala pa ring matalas na aksyon laban sa angkan ng mga alyado nyang walanghiya? iyon bang mga napakaraming nakadeploy na militar sa Mindanao, sa mga pulis, na wala pa rin yatang hinuhuling kahit sino?

Hindi, di ba?

Parang tinatanggap nating dogma, parang absolute equation. Journalist = Pinapatay. Pumipiling maging Journalist = Nagpapakamatay/ Masokista/ Bobo daw/ Ako.

Ano ba! Away pulitika; kung sino manalo, syang gaganansya sa yaman ng lugar nila. Pagpatay ng mga journalist para walang mag-iingay tungkol sa away. Panahon pa ni Marcos, o baka hindi lang, mayroon nang ganito.

Ayaw kong nasa akin ang sisi sa pagpili sa gusto kong gawin. Hindi naman dapat.

*****
Nandito ang balita tungkol sa isyu.
Ito ang tindig ng kolehiyo ko. Malapit nang lumabas yung sa Kalasag at sa UP Journalism Club. Meron yan. Dapat lang.

Nagkaroon ng candle lighting ang Kabataan Partylist at iba pang grupo kanina sa Boy Scout Monument, Tomas Morato, Q.C. bilang pagkondena sa pamamaslang.

10.06.2009

Sa pagluwas:

(mababasa rin sa talboskamote.multiply.com)




hahalik sa pisngi, mahigpit na yakap,

kapit sa braso, dantay ng kamay sa balikat,

dalawang pisil, maliit na kaway, ngiti at tawa

papalabas, hahawak sa seradura,

hindi naman kinakalawang, tila tumigas pihitin,

mapapako pa sa pinto, ipapaypay

bukas-sara, magbababad sa hamba,

sino bang mauuna? kanya-kanyang bitbit

o magbubuhatan sa ilang bagahe – plastic o bag

o kahon hanggang sa kanto, mga pasalubong

na sisiguruhing ‘di nakalimutan; mga baon:

tubig, skyflakes, biogesic kapag nahilo,

plastic kung masuka man; mga bilin

na ikamusta-mo-ako-kay-ganito-kay-ganyan,

tatayo sa gilid ng kalsada,

pabaon ng mga ingat-ka, ingat-kayo,

isa pang kaway kung nakasakay na,

malakas na babay, pasigaw na ingat-kayo,

mas malaking kaway, mas mataas,

mas malawak ang pinupunasan na hangin sa paalam,

kaway pa ulit kahit na malayo na,

papahina, papaliit ang nakikita, humihina ang babay,

kahit bulong basta may tanaw na nakalingon pa,


tahimik ang babalikang sala, kusina, kwarto,

ililigpit na ang mga unan,

kumot, banig, kulambo, hiniram:

tsinelas, sabon, tuwalya; magliligpit,

magwalis, ibabalik ang mga upuan

na iginilid para luwangan ang sala

na pansamantalang tinulugan,

huhugasan ang maraming kutsara, tinidor, tasa,

plato at basong isosoli sa tokador pagkatapos

dahil mga laan lamang sa mga bisita,

walang kibuan sa mga naiwan,

nagpapakiramdaman, yabag ng kung sinoman

ang magbalik bigla sa lumisan, iluluwa ng pinto

o sisilip mula sa bintana,

para kunin ang naiwan,

kung meron man,

umaasang meron

para magkatotoo ang inihahandang tawa

at ano-ka-ba-naman, muli

hahalik sa pisngi, mahigpit na yakap…




ngunit wala.

10.02.2009

Chocnut Village

(Crossposted sa talboskamote.multiply.com)

Nagpunta kami (Konseho at ilang staff ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Stand-UP alliance orgs, Kabataan Partylist, EdSoc, at volunteers) sa Tumana, Marikina kahapon para maghatid ng konting relief goods at damit sa isang komunidad dun. Dalawang linya ang mga bahay na nakaharap sa isang esterong ga-tao ang lalim, na nagumapaw nung Sabado. Ampalaya Street ang lugar.

Hindi sila binigo ng pangalan ng lugar nila; mapait talaga ang kinasapitan ng paligid. Putik kahit saan: pader, daan, kanal, bubong, damit, tao, gamit, basura. Parang Chocnut Village. Tunaw na Choco Mani naman yung nilalakaran namin.

700 pamilya ang estimate sa area. 500 tulong lang ang dala namin. Kukuyugin kami kung magpapapila. At sa laki ng katawan ko, matitikman ko ang chocolate river na tinatapakan namin. House to house ang siste pamimigay. Pares ng goods at damit kada pamilya.

Understatement ang kapos para ilarawan ang iaabot naming tulong.

Sumikot-sikot kami sa lagusan ng mga barong at bahay. Consistent ang tema ng Chocnut Village. Kahit kaliitliitang sulok may putik. Lampas dalawang taong magkatuntong ang inabot ng baha sa kanila, sabi ng ilang naabutan namin. Marami pa rin daw ang nasa evacuation.

Napakainit ng tanggap ng mga tao doon. Alangan sa malagim na danas nila. Kahit gusto nilang lahat ay makaamot ng kahit anong tulong, madali silang paki-usapan. Naintindihan nila agad na wala din talaga kaming maraming maibibigay. Kuntodo pasalamat sila sa dadalawang supot na baka kinagabihan e ubos na din.

May nakawentuhan pa kaming Aling Hospitable; ginigiya nya kami sa mga bahay-bahay sa lugar. Daing nya ang problema ng kumot. Maginaw sa gabi, walang mailapag sa semento, walang pangkumot sa katawan. Lalo na ang mga bata. Wala din daw silang panty. Hindi ko na tinanong kung ilang araw na ang suot nya.

At sa kasukdulan, malala ang alipunga ng lahat - bata, matanda. Pauwi na kami ng sitsitan ako ng isa. Pinakita ng isang Manong ang langgonisa na nyang paa. Parang frenchfries na napabayaan ng isang buwan, kumuluntoy na. Nagkukulay talong na maputla na marosas. Farmville ng mga fungi ang talampakan, pang-harvest na.

Maraming bata sa lugar. Tinanong ko ang isa kung paano sya kapag pasukaan na sa lunes. Ngiti sya. Basa daw lahat ng gamit nya. Wala syang uniform. Nakabara na ang puso ko sa lalamunan ko. Kung ako na napakaarte sa klase ng bolpen at sa kinis ng papel ng notebook ng susulatan, kung ako yun, berat na ako.

Sa isa pang sulok, naabutan namin si Kuya Longhair na naglalabas ng ilang gamit; chocnut pa din ang tema. Mag-isa syang nag-aayos sa tatlong bahay. Tinanong ko kung kailan kaya sya matatapos dun, hind din nya masagot. Nagpasensya na lang ako sa kapurit na tulong at nagpaalam nang umalis.

Maya-maya lang ubos na ang mga supot. Matagal pa yung pagplaplano ng kondukta ng distribusyon kesa sa pamimigay mismo. Andami pang hind nabigyan.

Pag-alis namin, tinatanong nila kung kelan kami babalik. Ngiti na lang.

Baka yun na yung una't huli naming pakikisalamuha kay Aling Hospitable na buntis pala ng pitong buwan, sa batang tyak aabsent sa Lunes, kay Manong Longganisa at kay Kuya Longhair. Sumakay ako ng jeep pauwi nang hindi naghuhugas ng paa. Parang ayoko munang alisin yung putik.

9.27.2009

Swim, Swim 2

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Walang kwenta ang pamasahe namin ni kuya. Walang magpapabayad para itawid kami sa baha na abot na daw sa windshield ng ten wheeler na trak.

Naalala ko ang isang short cut. Lulusot kami sa ilang mga bahay pero may sapa na dadaanan. Mag-aalas sinko na ng hapon. Mukhang pang-alas syete ng langit. Sumugod na kami.

Mabigat maglakad sa hanggang hitang baha. Masakit na ang ulo ko at bumigay na nang todo ang sipon ko. Mukhang ayos naman ang naisip naming short cut. Hanggang makita namin ang tatawirang sapa. Kapag binuksan mo ang gripo ng tubig na high pressured, ganoon ang itsura. Palakihin mo na lang ng mga tatlong metro. Hindi ko makita ang tulay. Hindi ko makita ang sapa. Kapag tag-init, sampung talampakan ang taas ng tulay mula sa naghihingalong sapa, sa pagkakatanda ko. Puro rumaragasang tubig na lang ang kita ngayon. Hindi ko isusugal ang mga tyansa, lalo pa't alam kong iisang tubong kinakalawang lang ang hawakan ng tulay. Walang pagpipilian. Bumalik ulit kami ni kuya sa pinanggalingan.

May isa pang pwedeng daanan. Hindi ito shortcut dahil kailangang ikutin ang isang buong subdivision para makalabas ng kalsada. Dadaan kami sa service road ng NLEX. May sapa daw ulit doon, sabi ni kuya. Pero mas ligtas kasi pwedeng sumandig sa bakod ng NLEX.

Puno ng pag-asa, sugod ulit.

Hindi ako makapaniwala. Paglampas mo ng Malinta Exit, sa NLEX, hindi aspalto o daan ang makikita mo, tubig baha. Chocolate. Malalim. At ilang taong lumalangoy. Isang Baliwag Transit Bus ang stranded sa gitna. Aabot na sa mga bintana sa gilid ng bus ang tubig. Malabo na ngang makaandar pa ang kotse namin. Wasak ang bakod na naghihiwalay sa service road at NLEX. Umaagos ang tubig papunta sa sapang binabanggit ni kuya.

May ilan pa ring dumadaan. Hanggang leeg daw ang tubig. May lubid. May mahabang hose ng tubig gamit ng bumbero. Gusto na naming makauwi kaya sumugod na kami ni kuya sa baha, ulit.
Hanggang tuhod. Hanggang bewang. Hanggang pwet. Nangangati na ang tumbong ko. Hanggang bewang. Buti na lang at naisupot ang mga cellphone namin. Hanggang dibdib. Problema ang wallet ni kuya na hawak ko, hindi naiplastik, kaya para akong tibak na nakataas kamao ngalang wallet ang hawak ko. Pagtapat sa sapa, rumaragasa na naman ang tubig. Hanggang balikat ko na ang agos. Hindi mapakinabangan ang lubid dahil natapakan yata ng kung sino.

Nauunang gumaod si kuya, nakasunod ako. Nakahawak ako sa payong na hawak din nya. Parang nakapasan sa balikat ko si Ruby Rodriguez. Sumisipa ako sa semento para lang makahakbang. Natatakot na baka matangay ng tubig. Sobrang bagal ng pagusad namin. Galing sa kaliwa, pakanan ang agos ng baha. Buti at nasa kaliwa ko sa kuya. Buti at mataba sya. Kung hindi, good luck.

Nang malapit na kami kung saan buo pa ang fence ng NLEX, at siguradong may makakapitan, isang lalaki ang humarang sa daan namin. Naipit yata sa parteng iyon ng harang nang gulong ng bike nya. Hindi kami makadaan. Lumalakas ang agos. Nandoon lang kami. Hinihintay namin syang mapakawalan ang bike nya. Hindi namin siya pwedeng ikutan. Wala kaming mahahawakan at siguradong maaanod kami. Natapos nya ang ritwal nya, lumutang ang bike. Lumutang ang lubid. Sya pala ang dahilan kaya wala kaming mahawakan kanina. Nakadaan kami, sa wakas. Nakausad din sya.

Nakatawid kami ng baha. Marami na din ang sumunod sumugod. Nang makatapak kami sa hindi binabahang kalsada, binuksan ni kuya ang payong nya. "Baka mabasa tayo ng ulan," sabi nya.

Alas sais ng makarating kami ng bahay. Naitaas na pala ng tita ko ang mga gamit namin, buti na lang. Binaha kami. Hanggang bukong-bukong lang naman. Maliban sa nakakahong mga scratch paper na nasa ilalim ng kama ko, na hindi ko alam kung bakit ba nandoon, at sa ilang kumot at unang nakatago sa kwarto nila mama, wala nang ibang nabasa.

Tapos na kaming maglimas, normal na sa bahay namin at sa paligid. Tuyo na ang mga scratch papers. Nalabhan na ang mga kumot at unan. Hindi kasimpalad ng iba ang lagay namin. Ayos na kami at sa mga darating pang bukas. Hindi naman tiyak sa iba kung paano mabubuhay sa mga susunod na araw. Hindi sila makakapaglaba. Hindi nila alam kung may malalabhan pa ng ba sila.

Ang budget para sa Pag-Asa? Saan ginagamit ang budget ng NDCC? ng AFP? ng Marines? Nasaan ang budget para sa floodways? drainage? Nasan ang budget ng DPWH?

Swim, Swim

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Nasa byahe ang pamilya ko pauwi, galing kami ng Bulacan. Ala-una ng hapon, nagising ako sa ingay ng usapan ni kuya at papa sa loob ng kotse. Pagtingin ko sa bintana, parang nasa langit na kami. Puting-puti ang paligid. Parang usok ng kung anong nasusunog. Halos wala nang makita sa daan. Nakakatakot na pati tail lights ng sinusundang mga sasakyan ay hindi na rin maaninag.

Tuloy-tuloy ang mga ulat sa radyo: lampas-ulong tubig, nasa bubong na ang mga tao, tinatangay ng baha ang tao at gamit, wala nang kumikilos na sasakyan, mga radio announcer na hindi makapagsimula ng programa dahil naipit sa trapik. Kinakabahan na kami para sa bahay naming abandonado. Hindi makontak ang tita ko sa katabing bahay.

Nagtanghalian na kami sa loob ng kotse. Dapat ay kanina pa kami kumain kaso ayaw ni Papa na magkalat sa loob ng sasakyan. Wala na syang nagawa, lahat kami ay gutom na, dahil sa mukhang wala kaming aasahan sa a la parking lot na na expressway.

Nasa NLEX na nga kami, lampas ng Meycuayan Exit, at higit ng kaunti sa isang kilometro mula Valenzuela Exit na syang exit point namin. Alas-tres na nang magdesisyong lumabas na si kuya at lakarin na lang hanggang exit. Mula Valenzuela Exit, isang sakay na lang ng jeep at nasa bahay na siya. Inaalala namin ang mga gamit sa bahay. Ang mga gamit na baka kusang hinugasan na ng baha kahit hindi naman namin pinapayagan.

Malakas ang hangin. Malabo pa rin ang paligid. Marami na ring mga tao ang bumaba ng kanikanilang bus at sinimulan nang maglakad. Sinubukan pa naming matulog at palampasin ang pagkaburyo pero hindi nakakarelax ang mga balitang pumapasok: nagdedelikado ang lahat -- mga bata, mga matatanda, mga may sakit, mga nawawala at hindi na makontak, dadalawang rubber boats na sasagip sa buong Marikina, mga malalaking rescue trucks na hindi na rin magamit sa lalim ng tubig, walang kuryente, putik, nagdedelubyong hangin, walang tigil na patak ng ulan.

Si Bayani Fernando ng MMDA lang ang narinig kong taong gobyernong nagpa-interview, at kahit sinasabi nyang ginagawa nila ang lahat, alam mong wala kang aasahan dahil mga hagdan at pink fence lang naman talaga ang specialty nila. Hindi ko narinig ang NDCC, PNRC, AFP. Nagsalita ang coast guards pero para lang sabihing wala na silang maipapadalang tulong dahil nagamit na lahat ng rescue boats.

Hindi na ako makatiis. Kinakabahan ako sa napakarami kong mga gamit sa eskwela, mga dokumentos, mga project at on-going papers na dapat tapusin na baka lumalangoy na sa tubig. At baka wala nang gumana sa kahit anong appliances namin kapag naghintay pa kaming umusad ang trapik. Bumaba na ako at sinundan si kuya. Binigyan ako ng trenta pesos ni mama sakaling mamasahe sa jeep pagdating ko ng tollgate.

Naglakad ako sa NLEX. Hindi ko mawari pero natatawa akong isipin na nilalakad ako ang kalsadang ni hindi ko nga gugustuhing lakaran noon. Mamamatay ka sa bilis ng mga sasakyan Naging madali ang paglusot-lusot sa pagitan ng mga malalaking trak at bus. Ang iiwasan mo lang talaga ay yung mga umiihi, lalaki at babae, sa gilid ng kalsada at mga gulong. Hindi pa rin tumitigil ang ulan, basang basa na ako sa lakas ng hangin. Natatawa na naman ako kung para saan pa ba ang pagsukob ko sa payong. Hindi malayo ang lakarin, maya-maya lang nasa Malinta Exit na ako.

Walang kumikilos na sasakyan. Kabaligtaran ng aligagang pabalik-balik na mga basang-basang mga tao. Mawala-sumulpot ang ulan. Tinunton ko ang Maysan Road, diretsong daan pauwi, para lang magulat sa isang bagong buong dagat. May mga nagtatangkang sumuong, sumunod ako. Nang marinig kong lampas tao ang tubig sa may gitna, aba, wag na lang. Bumalik ako. Nabasa ko ang text message ni Mama, nasa may di kalayuan lang daw si kuya at hindi rin makatawid.

Nagkita kami ni kuya. Ano nang gagawin namin?

Larawan mula sa :
http://www.reuters.com/article/worldNews/idUSTRE58P0RU20090926

9.19.2009

Mas Mahabang Mesa

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Si Mama, nasabi kamakailan lang, ay sobrang natutuwa daw tuwing hapunan. Kasi doon lang kami kumpleto at nagkakaharap-harap. At special mention ako bilang akong palaging wala sa mga ganoong okasyon. Ako na ang palaging naghahapunan ng hating-gabi.

Masaya naman talagang kumain ng magkakasama. Iniisip ko nga kung ano ang pakiramdam nya kung tinitingnan kami. Sabi nya, hindi nya akalaing aabot sila sa ganito katagal na panahon ni Papa. Na malalaki na kami. Nakatapos na si kuya. College na kami ni Joy.

Sa mga hapunang sama-sama, pakiramdam nya ay may seguridad sya na maayos kaming lalaking magkakapatid. Na maayos ang pamilya. Magkakasundo. Sa harap ng kanin at ulam, pinagsasaluhan namin ang magagandang pangarap nya ng mga bukas. Sa harap ng hapag-kainan, kumakain sya ng kapayapaan.

Kaya palaging may paliwanagan kapag ginagabi ako ng uwi.

Hind ko naman mapangakong uuwi nga palagi ng maaga. Masarap kumain kasama ang pamilya. Maswerte akong may uuwian at makakasabay. Kung sa iba, sa karamihan ng pamilya, walang kahit anong pagsasaluhan. Walang hihintaying pagsasabay-sabay dahil kailangang magtrabaho sa mga oras na dapat ay hapunan. Hindi na magkakasama-sama kasi yung isa sa kanila ay lumuwas, yung isa ay nasa abroad na.

Pakiramdam ko, dapat mas malawak pa dapat ang sasaklawin ng hapag namin. Ng kung anong pinagsasaluhan namin. Hindi natatapos sa kanto ng mesa.

Kaya naman hindi ko maipangakong palaging uuwi ng maaga.

9.17.2009

Friday is the Day

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Mabilis lang.

Kusa palang lumalabnaw ang adiksyon sa facebook, plurk, mafia wars, kung fu pets, multiply at kung ano-ano pang kalokohan sa hypereal world --

Kapag marami kang gawain, kailangan mong umalis ng maaga at uuwi ka na ng gabi at pagod at kailangan mo ulit gumising ng maaga kinabukasan. Kapag napipilitan ka nang gumawa at sumunod sa schedule sa organizer kasi wala ka nang ibang choice, else, hindi uusad ng maayos ang linggo mo --

at hindi ka na magrarant ng nakakapagod-shet-lagi-na-lang-bang-ganito-kelan-ba-to-matatapos. Hindi ito basta pagod lang. Ito ang hindi nakakasawang pagod. Mga pagod na masaya.

Kapag hindi na ako napapagod, wala nang kwenta.


***
"A man will never be complete unless he becomes part of something bigger than himself."
(hndi ito yung eksaktong mga salita ng nabasa kong quote, pero ito yun. sakto 'to.)

9.15.2009

Lahat ng Bata ay Maganda

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Habang nasa bus, may kanina pa titingin-tingin sa akin. Lalaki. Mulagat na mulagat. Medyo kulot. Hindi maputi pero mukhang makinis ang balat. At malambot. Dumidila-dila pa. Puro laway na nga yung palibot ng labi nya sa kakadila. Nilalaro pa nya ng kamay nya yung laway na naiipon sa mukha nya. Pero natutuwa ako. Siguro, mga dalawang taon pa lang yung lalaki.

Anlaki talaga ng mata nya. Maliit yung ilong nya, na nagbabadya ng pagsarat ilang taon mula ngayon. Pero ok lang. Hindi sya mukhang matangkad. Pero ok lang. Hindi straight ang buhok nya, mukhang kailangan nyang gumastos pa sa styling gel kapag nag-aaral na sya. Pero sa ngayon, ok lang. Ok na ok sya. Cute. Masarap pa ding halik-halikan at amoy-amuyin.

Sa akin, lahat ng bata, cute. Kahit magkakaiba ng hitsura, ayos lang. Kahit mas malaki yung ilong ng isa, kung mataba yung isa, kung kulot o hindi, kung malaki ang tainga, kung makapal ang labi, kung maitim na maitim, kung mapula o maputla - ok lang. Gusto ko ng bata.

Kung sa mga matatanda na, hindi pareho. Sa mukha at hitsura? Hindi na tayo mabait at mapagtanggap ng pagkakaiba. Harshbrown!

Kung sa matatanda, kapag sinabihang hindi maganda ang ganito-ganyan, agad may paraan para solusyunan ang puna. Up to what extent -- e tingnan na lang natin si Madam Auring. O si MJ. Yung iba, mild adjustments (pero yun ay dahil wala silang sinlaking bulsa katulad ng iba).

Kung sa mga bata, kebs. Wala naman kasi silang pakialam sa mga ads o pictures o patalastas ng mga kapwa nila bata na nasa TV o magazine o billboards. Hindi nila yun iniidolo. Hindi nga nila pinapansin yung mga yun bilang answer key sa mga pagkakamali(?)/ pagkakaiba ng kung anong lumitaw sa mga katawan at mukha nila.

Sa mga tv shows, kahit anong genre pa yan, at magazine nga, mas dominante pa rin naman ang mga adult models. Kung meron mang bata, na dumarami na din, lalo sa TV, hindi naman singdami ng mga matatanda. Tsaka ikukuha pa kasi ng permit yun sa DoLE.

Kung naglalabas man ng larawan ng batang "ideyal" ang hitsura (sa konsepto nilang kumakana ng kita sa ganoongparaan), yung matatanda (magulang) naman ang nagfre-freak out na nagfafall-short sa pagiging "ideyal" ang mga anak nila.

Hindi naman yung bata. Hindi naman sya na pinanghihilamos na yung laway nya, ng masaya, ng tumatawa, at nakatingin sa akin. Ang kyooooooot!

Hindi na ito tototo sa mga batang maagang namulat sa Vogue at Seventeen ha.


9.11.2009

No Badge, No Pass

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Sa bus pauwi. Nakaupo ako sa pantatluhang upuan, pangatlo mula sa diretsong mahabang upuan na nasa pinakadulo. Aircon ang bus. Malamig. Kahit suot-suot ko ang jacket, todo yakap ako sa sarili. Mas maginaw ang itsura ng paligid kasi kaunti lang ang pasahero. Walang mga hininga ng nagsisiksikang pasahero para makipaglaban sa umuusok pang aircon. Mag-isa pa ako sa pantatluhang upuan. Feels so lonely.

Sa katapat na mga upuang pandalawahan, masaya ang kwentuhan ng apat na lalaking halos magkaka-edad. Mga trenta hanggang trenta y singco siguro. Pare-pareho silang nakapolo-barong sa loob ng itim nilang mga mala-waterproof jacket. Parang presidential sekyu o kung anumang dance group o The Tenors. Nag-uusap yung ilan tungkol sa mga kalsada: may narinig akong skyway, super hi-way, nlex, slex. Taga-DOTC? Nagbabasa yung isa ng broadsheet. Inggitero ako. Nagbasa din ako, yung leaflet ng Kabataan Partylist - 1M, 1P Campaign.

Lumapit yung kundoktor sa mga lalaki. Kinausap ng isang jacketman, yung katapat ng upuan ko, yung nasa aisle seat.

JM: Kapag pulis ba o MMDA hindi nyo pinagbabayad (ng pamasahe)?

K: Pinagbabayad po.

JM: O, e bakit sya? Kami pulis kami pero nagbayad kami.

K: (dead air)

Nang lapitan ng kundoktor yung MMDA, batay sa nakaburda sa dibdib ng blue polo shirt nya, na nakajacket din na itim, tumayo ito. Umiiwas yata na maticketan kaya lumipat ng upuan. Na parang walang kundoktor nal lumapit.

Umupo sya sa pantatluhang upuan na nasa harapan ko. Malapit na sya sa mga pulis. Tingin-kilatis ang ginawa ng pulis na katapat ko sa MMDA na nasa harapan ko. May kuryente sa hangin. Izt. Izzzzt.

Nagahihintay ako ng komprontasyon. Malaking tao si MMDA. Marami naman ang mga pulis. Paano kung humugot ng baril ang pulis? Anong huhugutin ni MMDA? Kung puputukan ni pulis si MMDA, titicketan ba ni MMDA si pulis? Kukunin ang lisensya.

Bumitaw ng tingin si pulis. May hinugot sa puwitan. Aaaaaaaaaaaaaaaaaaa! MahabagingUlangMalakasSaKahabaanNgEdsa,IligtasMoPoAkoSaKapahamakan! Lumiyad ng konti paabante para makuha ang binubunot. Aaaaaaaaaaaaaaaa! MamaKoooooooooo!

Inilabas ng pulis ang sinungkit sa likuran. Wallet. Hinugot doon ang ID ng pagkapulis. Inilabas. Isinalikop sa wallet. Ibinalik sa bulsa sa likuran.

Buti, yung kundoktor ang walang baril. Buti walang baril ang mga kundoktor at drayber.

Ang alam ko masarap ang libre. Ito lang yata ang hindi.

9.08.2009

Si Noynoy ang magtutuloy

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

So, in-announce na ni Noynoy na tatakbo nga sya sa 2010. Laglag na talaga si Mar. Napaiyak na si Korina. Masaya si Shalani.

Ang chant ng mga tagasuporta ni Noynoy: "Si Noynoy ang magtutuloy! Noynoy! Noynoy!"

Syempre, banner pa rin ang "demokrasya" ang dala-dala ni Noy. Pamana ni nanay. Pinaingatan ni tatay.

Parang sila-sila na alang ang nakakakilala sa demokasya. Parang hind ito maisusulong kung hindi sila tatakbo. Kung wala sila sa pwesto.

Kung may itutuloy man si Noynoy, kung may ipinamana man lang si Ta Cors sa kanya, hindi sana yun yung malamyang kamay sa pagpapatupad ng pagbabago para sa mga magsasaka. Demokrasyang cacique. Ano kayang balak nya sa hacienda nila?

Tuwang-tuwa naman si Mama. Fangirl! Nung una, sabi nya Bayani Fernando sya. Tapos si Mar bago to malaglag sa tiket for presidency. Ngayon, Noynoy na sya. At ikinakampanya na nya sa akin na iboto ko daw si Noy.

Basta, KABATAAN PARTYLIST is my Party List.

Magandang timing talaga ang pagkamatay ng nanay ni Noy. Lokohan sa klase na dahil sa pagkamatay ni Ta Cors, malakas ang hatak ni Kris Aquino sakaling tumakbo ito for senator. Tapos si Noy naman pala ang nagbitbit sa rhythm ng mga pangyayari. Sabagay, sayang yung momentum ng malaking funeral procession na umabot ng ilang oras.

Tatakbo ulit si Leon Guerero as governor sa Pampanga. Ina-anemia na daw talaga sya sa mga senate hearings na english ang salitaan.

Tatakbo pa rin si Loren Sinta. Friends pa rin sila ni Noy, whatever happens.

OK daw na maraming tumatakbo sabi ni E. Villanueva. Iyon daw ang diwa ng demokrasya. Maraming choices. make the people choose. O, diba, liberal!

Buntisan

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Apat na malalapit na kakilala ko ang buntis ngayon.

Si B1 (Buntis 1), manganganak na sa November. Baka maging ka-birthday ko pa.
Si B2, April pa yata.
Si B3, hindi ko sigurado kung totoo, pero iyon daw ang sianbi nya, sabi sa akin ng mga napagsabihan nya.
At si B4, walang nagsasabi sa akin pero inassume ko lang. Too much is paranoia.

Kaya hindi pwedeng pangalanan, atleast mula kay B3 hanggang kay B4, kasi nga walang linaw, ayaw linawin o ayaw ko lang kumpirmahin dahil masarap minsang mag-assume. Nakaka-exercise ng utak ang paghahaka-haka, kung minsan.

B1: Surprise!
Umuwi ako ng Nueva Ecija nitong nakaraan para dalawin ang lolo naming na-stroke. Sa Bayan ng Bongabon kami. Dito ako ipinanganak at lumaki hanggang Grade 2. Tapos noon, lumipat na ako at dito na nagpatuloy ng eskwela sa Valenzuela. Madami-dami din akong naging kaibigan at kakilala sa probinsya -- mga datin kaklase, mula pa noong Kinder hanggang bago ako umalis -- na nakikita ko pa rin naman kung minsang umuuwi ako ng minsan o higit pa taon-taon.

Bumibili ako noon sa maliit na grocery isang hapon noon at laking gulat ko ng gulatin ako ng malaking tyan ni B1! Noong huling kita namin, noong bakasyon ng tag-araw, ang kwento nya ay nagtratrabaho syang waitress sa Marikina River Banks. Hiyang-hiya nga ako sa kanaya noong nagkita kami kasi sinabi kong dadalawin ko sya doon sa MRB kasi malapit lang naman sa UP, dalawang sakay. Pero hindi ko naman nagawa. Ewan ko kung kelan nya trinabaho ang laman ng tyan na, pero siguradong hindi na sya nagtratrabaho sa Marikina ngayon.

Nag-iisang anak si B1. Alaga sya ng lola. lola at tatay ang kasama nya sa bahay na nasa kabialng kanto sa Baranggay namin. Nung nakita ko sya na nakadaster at malaki ang tyan, hindi ko alam kung mahihiya ako para sa kanya. Wala naman kasing nakapagsabi sa aking buntis na sya. kahit sya o mga tita ko. Hindi ko sya na-i-text. Hindi nya ako tinetext.

Ngumiti na lang ako nang makita sya at tinanong kung kelan sya manganganak. Novenber nga daw. Sabi ko baka nga maging ka-birthday ko. Tumawa sya. Tumawa ako. Nagpaalam sya habang nagtatanong ang isip ko kung saan kaya nila nilikha ng lalaki ang nalikha nila, o kung may tatay bang mananagot sa nilalang sa matris nya, o kung nabugbog ba sya ng tatay nya nang malaman ang pagbubuntis nya, o kung bakit wala man lang nagkwento sa akin sa mga kakilala kong taga-doon din sa amin tungkol sa kanya.

B2: Sa Wakas!
Mag-iisang taon nang kasal si B2 at ang asawa nyang nagtratrabaho sa Amerika at sa wakas, nitong huling uwi ng asawa nya ay nakabuo na sila.

Sa katotohanan, walang kumplikasyo n ang pagbubuntis nya dahil may kaya naman ang pamilya nya at ang asawa nya. Naghihintay na nga lang syang kunin sya nito at doon na tumira sa Amerika.

Ang nakakatawa lang ay unica hija si B2. Nag-iisang babae sa limang magkakapatid. Unang nag-asawa. Unang magkakaanak.

B3: Malupet na Chismis. Pramis.
Hindi sinasadyang marinig ko ang kwentuhan ng mga kaibigan ko isang gabi na magkakasama kami. Celebration noon ng birthday ng isa.

"Sigurado ba yun?"

"E ayun yung kwento sa akin. Ayaw ko ngan ikwento kasi sabi wag ko daw sabihin kahit kanino."

"E alam ko na nga. Kwinento na din sa akin ni--"

"Oo nga. Sira-ulo talaga yun. Ikwekwento din pala sayo..."

Hindi ko na pinalampas. Nag-ala-Pinoy Henyo kami sa hulaan kung sino hanggang sa matumbok ko. Huli!

Hindi naman ako nagulat na si B3 iyon. May mga tao talagang hindi kagulat-gulat na mabubuntis agad. Medyo nadisapppoint pa nga ako na ngayon lang.

Pangtelenovela ang drama. Pagtataksil. Pagkamuhi. Agawan. Takot. Hiwalayan. At iyakang katakot-takot daw ang nagyari. Ipapatest pa nga daw ng nanay ng lalaki kung totoong sa anak nya ang laman ng tyan si B3, kung may laman man. Nung pinakilala nga daw ng lalaki si B3 sa nanay nito, ang linya e: "Ma...nabuntis ko." Tumbling ako!

Hindi kasi sya (B3) mahal ng nakabuntis sa kanya. Ang mahal nitong nakabuntis e ang kaibigan nya. At mahal din ng kaibigan nya ang nakabuntis sa kanya.

E bakit sya binuntis?

Hanggang ngayon, hindi alam ni B3 na alam ko ang kwento.Hindi nya ipinapaalam. Hinid ko itinatanong. Malalagot din ang mga sources ko kapag nagkataon!

Ang sabi-sabi ay "sakit" na daw yata ang meron si B3. Na nakuha pa niyang paghiwalyin ang magkarelasyon para sa sex.

Kapag hindi na maipagkakaila ng maluluwag na daster ang tyan ni B3, o kapag nanganak na sya at imbitahin akong ninong o kahit bisita lang, susubukan kong itanong ang katotohanan. Susubukan ko ding pilitin silang magkaayos ng ilang parehong kaibigan.

Hindi ako papayag na sa isang open-ended finale magtapos ang dramang to!

B4: Confirmed, unfortunately.
As of writing time, narinig kong pinag-uusapan nila Mama at Joy (bunso) ang kasal ni B4 at ng nakabuntis dito. Malapit na ito, nagulat din ako.

Kung ganoon, totoo nga.

Fail ang pagprapractice ko tungkol sa kalagayan ni B4 sa pag-i-stretch ng kapangyarihan imahinasyon. Well.

B5: Sino kaya?
Sa bansang walang malinaw at kongkretong batas para sa Reproductive Health, at sa gobyernong may malabong tunguhing at totoong will sa pagkontrol ng populasyon, maliban sa mga pamantayang inilalahad ng mga moral at espiritwal na institusyon, na hindi naman mali, ngalang ay hindi yata epektibo sa mamamayang kapos sa edukasyon -- aabot tayo hindi lang sa B kundi hanggang Z.

**
Medyo naaawa naman ako sa lima kong tita, mga nakatatanda at nakababatang kapatid ng mama ko, kasi sila ang naghahanap ng asawa at anak, sila ang hindi magkaroon.

9.06.2009

Si Rose

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Alas-dose na ako nakauwi kagabi. Birthday kasi ni Allan at nagkaroon ng konting party sa bahay ng isa pa naming kaibigan. 19 na si Allan! At gra-graduate na siya sa March kung matatapos ang thesis! (Bakit ba ang mga bata, nagmamadaling makatapos? may kakilala akong 13 taon at 1st year college na, kumukuha ng Accountancy!)

Kahit masama ang pakiramdam nya dahil sa sinisikmura, masaya naman siya kasi halos kumpleto naman mga ever faithful kasama sa mga ganitong lakaran at bonding times - mula pa 1st year high school. Isa pa sa nagpasaya sa kanya, siguro, o baka ako lang ang sumaya, e dahil nandoon si Rose. Talagang masaya lang ako at iba an gepekto sa akin ng mga reunion. Natural na mahilig samga kwento, sayang-saya ako sa pagatatanong ng "O, ano na?"

Pagkagraduate ng high school ay napakadalang na naming makita si Rose. Syempre, kanya-kanyang gaod sa acads.

Dahil halos malapit naman kami ng bababaan ay nagsabay na kaming jeep. Umuwi kaming maaga (maaga pa iyon dahil mag-o-overnight ang mga naiwan) dahil ang totoo, hindi naman dapat sasama si Rose sa celebration ni Allan. At may pasok pa siya kinabukasan. At habang binabagyo kami sa byahe, kwentuhan kami sa jeep. Mas siya ang pinagsalita ko dahil siguradong mas exciting ang buhay nya kaysa sa akin.

Pagkatapos pala nya ng 2 year computer course ay trabaho na agad ang pinasok ni Rose. Sa mga agency ng appliances sya natatanggap at palipat-lipat naman ang assignment nya sa mga mall sa buong Manila. Karaniwan, sa mga SM. May mga sinabi syang kumpanya ng mga kitchen ware pero hindi ko matandaan. Tunog Hapon. Parang Korean din at hindi malayong China. Basta -- mga rice cooker, water heater, thermos at kung anik-anik.

Hindi sya contractual. Continuous daw ang kontrata nya. Hindi ko naman alam kung ano yun pero in-assume kong iba nga ang kontrata nya dahil hindi naman sya hawak ng SM.

Closing ang shift nya. 12-9. Madalas, halos 10 na sya nakakauwi kasi mag-i-imbentaryo pa daw. At syempre, kulang ang kwentong saleslady kung wala ang mga karaniwang daing: pasakitan ng paa sa pagtayo, maikling pahinga (dalawa pala ang pahinga daw nya - lunch break ng alas-tres (na hindi naman na yata talaga lunch time) at coffee break ng alas-sais o alas-siyete), mahinang kita, walang seguridad sa posiyon, walang benefits, trapik sa pagpasok, trapik sa pag-uwi. Sounds familiar. Taon din kasi ang nanay at mga tita ko sa mga mall bilang saleslady. Pati mga pinsan at kapitbahay namin.

May quota pala silang 10 libo bawat araw! Hindi naman sila sisipain ng agency kung hindi maabot yun, pero "nakakahiya" daw kasi sasahod ka pero wala ka namang naibenta. Noong una, hirap na hirap syang maka-abot sa target. Pinakamababa daw nya ay 2 thousand. Naiiyak na daw sya sa lungkot non. Kapag 5 libo naman, kahit daw sya pa ang pinakamataas ang benta sa araw na yun, gumuguho pa rina ng dibdib nya. Gusto nyang maka-quota.

Hindi naman daw imposible. Nakakakinse mil nga daw sya e! Pero hindi naman daw araw-araw ang pasko. Lalo kung lunes at iba pang kaaniwang araw, patay-patayan daw talaga ang benta. Weekends lang daw talaga hanadang magtapon ng pera ang mga tao.

Tuwing martes, reporting day sa opisina siya sa Binondo. Pupunta sya doon. 7:30 pa lang daw dapat nandoon na sya. Papagalitan kapag na-late. At magrerpeort nga sya - magpapaliwanag kung bakit mababa ang benta. Pappagalitan ni boss. Magdadahilan sya, ng ubod ng bait at galang, na wala talagang benta. At walang stocks. At walang pera nang tao. At walang tao. At papagalitan ulit sila at isisisi sa kahinaan ng kapangyarihan nyang magsales-talk ng customer. Na sa ibang mall ay may kita naman daw ang agency, malaki ang benta kahit pa presente ang lahat ng mga factor na idinahilan niya.

At tuwing Martes, pagkatapos magreport, kailangan nyang magmadali papasok ng SM North. Sasagupain nya ang trapik ng Maynila at QC sa loob ng ilang oras dahil walang patawad an gpagkalate. Padadalhan ka daw ulit ng memo. Magpapaliwanag ka sa SM. Kapag nakaabot ang balita sa agency, plus 1 ang pagpapaliwanagan. Again!

Mahirap sa una, pero sanay na daw sya. Kapag sumahod na at nagkapera, halos talo-talo na lahat ng painagdaanan ng 15 days. Minimum namana ng sahod nya. May natitira naman sa kanaya. Nakakipon pa nga sya. Pero kapaga nasabay lang sa mga bayarin sa bahay, yun lang, budget kung budget. Pero sanay na nga daw sya.

Mukhang ok naman sya kasi bagong pedicure pa nga sya e.

Matigas na din ang mukha nya. Kinakausap na nya ang mga kasamahan sa appliances department na walang agawan ng customer, sabi nya. Hanggat hindi umaalis ng walang bitbit sa area nya, wag daw matangka-tangkang sulutin ang mga customer nya kundi away na maliwanag ito. At talagang hasa na sa karanasan, kayang-kaya na daw nyang pabilhin ang customer ng kahit ano, pagmamalaki nya. Siga na daw ang katumbas ng pangalang "Rose" sa ground floor ng Department Store.

Hindi naman mahirap paniwalaan. pumayat na nga si Rose na dati e talaga namang malusog. Talagang malusog sya dati at tambulan ng tukso ang namimintog nyang kalahatan. Ngayon, chubby pero payat. malabo pero ganoon nga. Payat ang mukha. Malaman ang braso. Lumiit ng dibdib at may bilbil pero lumiit ang mga hita. Pumuti din sya. Pumutla? Alagang aircon.

Hindi na din sya gaanong madaldal. Madaming iniisip. Tahimik nga e. At talagang ayaw umuwi ng madaling araw. Ayaw mapuyat. Baka malate pa para sa pasok kinabukasan. At bawas sa sweldo yun.

Parang napakarami nang nangyari, iniisip ko pagkababa nya ng jeep. Nagtratrabaho na sya. Nag-aaral pa rin ako. Parang buong buhay na yung lumipas sa pagitan namin at ng mga kaibigang palaging kasama.

Wala namang batang nagwish na sana paglaki nya e maging saleslady. Sinasabi din naman nya sa mga kapatid nyang bata pa, sabi nya sa akin, na kung may gustong magsaleslady sa kanila ay huwag na lang. Sya na lang. Kasi mahirap talaga.

Hindi naman namin sinasabi noong high school na gusto naming maging saleslady kapag nakatapos. Walang magulang na nagtutulak sa anak nyang maging saleslady kasi idinidikit palagi sa mga ganitong trabaho ang "lang". Slaeslady "lang".

Nakakailang pa, naisip ko, kasi nung magkakasama kami ng iba ko pang kaibigan na naiwan para mag-overnight, puro usapang acads ang maririnig. Mga asaran ng university. Parang awayan kapag cheering competition sa Araneta.

Pagbaba nya ng jeep, malakas na malakas ang ulan. Wala nang kasiguraduhan na magkita-kita pa ulit kami nang hindi taon o buwan ang lilipas.

Mga ano na kaya kami noon? Walang kasiguraduhan. Baka hind rin magkalayo ang mga kwentuhan namin. Baka makarlate na kami ng husto sa mga karaniwang daing nya. na nagiging karaniwang daing na din ng karamihan sa karaniwang tao.