12.28.2009

Maribel

Hindi ko malimutan

Kung paano mo ako itapon-saluhin

sa hangin: parang bola,

ayaw mong sa sahig tatalbog,

parang unan na niyayapos at hinahagkan,

makukulong sa lambot ng dibdib mo at bisig,

parang babasaging baso ng mananayaw ng ilaw,

kahit anong pihit, kahit anong ikot - maingat

na dalubhasa sa pag-angat sa aking ulo,

sa aking kamay – taas man o baba, kumanan, kumaliwa –

para akong dahon, parang bula na winawala ang grabedad,

tila ako ibon na dumadapo sa iyong dal’wang sanga.

Paru-paro ako. Bukadkad kang bulaklak.

Ang pinakamalinaw sa hinagap, kung paano nanlalabo ang lahat

tuwing bubuhatin mo ako sa dalwang kili-kili,

gamit ang mga kili-kili ng daliri ng hintuturo’t hinlalaki,

iiikot ng iiikot ng iikot hanggang mahilo,

pabilis ng pabilis ng pabilis.

At wala akong ibang maliwanag na makikita

kundi ang matigas kong hiyaw,

ang malutong mong tawa,

ang papahigpit mong hawak

sa kabataan kong lumilipad.



meron din sa talboskamote.multiply.com

3 komento:

  1. Wow, Pol! Is this a childhood love poem? what i like about your poetry is the clarity and crispness of your images. how come such common topic as childhood love, or childhood disillusionment towards love, can be so moving. hinala ko dahil yun sa mga imahen na ginagamit mo. i just like the first part of the poems, and how these play of sound and images resonate in me. and the ending is just...wow!

    At wala akong ibang maliwanag na makikita
    kundi ang matigas kong hiyaw,
    ang malutong mong tawa,
    ang papahigpit mong hawak
    sa kabataan kong lumilipad.

    Sa pagkakaintindi ko, one way lang ang pagmamahal na ito, di ba? At kung paano, sa ating kabataan, feeling natin tayo ang sentro ng lahat, na ang lahat bumabalik pa rin sa atin, sa ating mga emosyon, sa ating pagkatao. Tapos hindi natin alam na mali ang pinagtutuunan natin ng attensyon. Anyway, i think it's another coming of age poem which i like. Way to go! Add this to the poems sa koleksyon mo na nagustuhan ko. There's a certain rural feel to your poetry, which i like.

    TumugonBurahin
  2. salamat, OJ!

    recollection ito noong bata pa ako (3 or 4 years old). madalas akong buhatin at paikutin ng mabilis na mabilis ni ate maribel, hihyaw ako, tatawa lang sya, at hanggang ngayon naalala ko pa rin iyon. sobrang hindi ko makalimutan. paborito kong kapitbahay si ate maribel. maputi at maganda at napakahinhin.

    yung rural sensibility, hindi ko naman napapansin pero recurring nga daw. hindi ko itatanngi, mahal ko ang Bongabon e.

    doubtful ako sa mga ginamit kong imahe (bola, baso, bulaklak, paru-paro, sanga, ibon), hindi ba siya masyadong crowding? madami at magulo. at hindi ba cliche ang mga ito bilang imahe?

    TumugonBurahin
  3. Hmmm. Yes, yung rural sensibility ay nagre-resurface talaga. like how my writings always veer towards romantic relationships. nothing wrong about that i guess, as long as it does not become an obsession or a fetish that would make our whole body of work repetitive and monotonous. hmmm. regarding the images, masyado bang crowding? I didn't feel that, probably i am also that kind of poet. BUT hindi naman ata project ng tula na umangkla sa isang central image/metaphor, so baka ok lang naman. it worked for me. sulat lang nang sulat, pol!

    TumugonBurahin