11.24.2009

Nagpapakamatay/ Masokista/ Bobo daw/ Ako

http://talboskamote.multiply.com/journal/item/31

Hindi nakakaiyak magbasa ng dyaryo. Hindi naman kasi ito isang babasahing emosyonal; hindi nito intensyong gumawa ng drama. Pero para akong tanga kanina, habang nakasakay sa bus papasok, parang sinasakal ang leeg ko na hindi ako makahinga ng maayos sa pagpigil sa kung anomang lungkot na umaakyat sa ulo ko - nag-init ang batok at mata ko - dahil sa headline ng Inquirer tungkol sa masaker sa Maguindanao.

Mga journalists! A, hindi naman dapat nakakabigla sa lagay ng Pilipinas na pinapatay na lang ang mga journalist at brodkaster, parang mga gomang bibe na pinatutumba ng pellet gun sa perya. Yung bumaril, umaalis pa yang may premyo. Yung pag-alis nga nya mismo ng walang kaso, walang kulong, walang huli, ang premyo.

Pero iba to. Sa iisang pagkakataon, sampal sa mukha nating lahat kung anong kabulukan ang iniingatang pagtakpan ng estado. Hindi buwan o taon o araw, saglit lang kung paanong trigger-happyng pumatay ang mga hayop ng mga tao. At wala pa akong naririnig sa balitang may hinuli na o ikinulong, bagamat matigas ang mga daliring nakaturo sa iilang suspek.

Sa bahay, kung paanong pagsisisi na naman ni mama kung bakit pa nya ako pinalipat sa Journalism. Nakahapag sa harapan nya ang lahat ng dahilan para matakot, anong gagawin ko? Kakainin ko talaga ang mga kundisyon. Sinabi na nga ba nya at mamamatay at mamamatay lang ako sa gagawin ko. Pagtapos ng extended na ngang taon at gastos sa kolehiyo, papatayin din pala ako.

Hindi naman ako magpapapatay, sabi ko.

Hindi din naman ginusto ng 13 journalist na mamamatay, naisip ko.

Sa akin, nakakalungkot. Na ang sisi, ang bigat, ang kasalanan at malaking bagahe ng pagiging, o hindi pa nga, kundi nasa proseso pa lang ng "pagiging", journalist ay nasa mga taong ginusto lamang na maging journalist!

Kaya masisisi mo ba kung ang pipiliin kong linya ng pagsusulat/ pag-uulat ay sa mga girly, teen, fashion, food, travel, woman magazines? o dun na lang sa mga advertising firm pumosisyon, o maging PR manager ni Poncho Kandidato? a mga safe zone? kahit na alam natin kung ano talaga ang mas kailangang malaman ng marami?

Di ba, sino ba ang pinapagalitan ngayon ng nanay nila ngayon, iyon bang mga walanghiyang angkan ng mga pulitiko? iyon bang mga alyado nitong mamamatay tao? iyon bang presidenteng hanggang nagyon ay wala pa ring matalas na aksyon laban sa angkan ng mga alyado nyang walanghiya? iyon bang mga napakaraming nakadeploy na militar sa Mindanao, sa mga pulis, na wala pa rin yatang hinuhuling kahit sino?

Hindi, di ba?

Parang tinatanggap nating dogma, parang absolute equation. Journalist = Pinapatay. Pumipiling maging Journalist = Nagpapakamatay/ Masokista/ Bobo daw/ Ako.

Ano ba! Away pulitika; kung sino manalo, syang gaganansya sa yaman ng lugar nila. Pagpatay ng mga journalist para walang mag-iingay tungkol sa away. Panahon pa ni Marcos, o baka hindi lang, mayroon nang ganito.

Ayaw kong nasa akin ang sisi sa pagpili sa gusto kong gawin. Hindi naman dapat.

*****
Nandito ang balita tungkol sa isyu.
Ito ang tindig ng kolehiyo ko. Malapit nang lumabas yung sa Kalasag at sa UP Journalism Club. Meron yan. Dapat lang.

Nagkaroon ng candle lighting ang Kabataan Partylist at iba pang grupo kanina sa Boy Scout Monument, Tomas Morato, Q.C. bilang pagkondena sa pamamaslang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento