11.28.2009

Oda sa silya

Isang silya, mag-isa sa kagubatan.
Sa mahigpit na kapit ng mga baging
isang saradong puno ang umuungol.
Ang ibang baging ay paikot umaakyat,
duguang mga nilalang
sa kalaliman ng mga anino'y umaalulong,
mula sa berdeng langit ay nahuhulog ang mga higanteng dahon.
Pinatutunog ng ahas
ang kanyang tuyong buntot,
sumibad ang isang ibon
gaya ng palasong nakahumang sa inaasinta
habang hawak ng mga sanga ang kanyang biyolin.

Nagdadasal ng walang kibot
ang mga insekto
na sa mga bulaklak nauupo.

Lumulubog ang ating mga paa
sa itim na mga damo
ng kagubatang dagat,
sa mga ulap na hulog ng puno,
at ang tangi kong hinihingi
mula sa dayuhan,
para sa manlalakbay na naninimdim,
ay isang silya sa kakahuyan,
isang tronong alpombra
winawasak ng mga gumagapang na baging --
oo:
para sa taong lumalakad ng nakapaa,
isang silya na yayakap sa lahat,
matibay na pundasyon,
ang dakilang dignidad ng pagtindig.

Umatras kayo, uhaw na mga tigre
at insektong maninipsip ng dugo --
dunito kayo sa'king likod,
tubig na malangis,
dahong kulay kalawang,
ahas na walang kamatayan.
Dalhan mo ako ng silya
sa gitna ng kulog,
isang silya para sa akin
at sa lahat
hindi lamang pampaginhawa
sa pagod na katawan
ngunit
para sa lahat ng dahilan
at para sa sangkatauhan,
para sa nauubos na lakas
at para sa pagmumuni sa katahimikan.

Ang digmaan ay singlawak ng madilim kagubatan.
Ang isang silya
ang unang senyal
ng kapayapaan.


Oda sa silya
salin ng Ode to the chair, Pablo Neruda

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento