9.19.2009

Mas Mahabang Mesa

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Si Mama, nasabi kamakailan lang, ay sobrang natutuwa daw tuwing hapunan. Kasi doon lang kami kumpleto at nagkakaharap-harap. At special mention ako bilang akong palaging wala sa mga ganoong okasyon. Ako na ang palaging naghahapunan ng hating-gabi.

Masaya naman talagang kumain ng magkakasama. Iniisip ko nga kung ano ang pakiramdam nya kung tinitingnan kami. Sabi nya, hindi nya akalaing aabot sila sa ganito katagal na panahon ni Papa. Na malalaki na kami. Nakatapos na si kuya. College na kami ni Joy.

Sa mga hapunang sama-sama, pakiramdam nya ay may seguridad sya na maayos kaming lalaking magkakapatid. Na maayos ang pamilya. Magkakasundo. Sa harap ng kanin at ulam, pinagsasaluhan namin ang magagandang pangarap nya ng mga bukas. Sa harap ng hapag-kainan, kumakain sya ng kapayapaan.

Kaya palaging may paliwanagan kapag ginagabi ako ng uwi.

Hind ko naman mapangakong uuwi nga palagi ng maaga. Masarap kumain kasama ang pamilya. Maswerte akong may uuwian at makakasabay. Kung sa iba, sa karamihan ng pamilya, walang kahit anong pagsasaluhan. Walang hihintaying pagsasabay-sabay dahil kailangang magtrabaho sa mga oras na dapat ay hapunan. Hindi na magkakasama-sama kasi yung isa sa kanila ay lumuwas, yung isa ay nasa abroad na.

Pakiramdam ko, dapat mas malawak pa dapat ang sasaklawin ng hapag namin. Ng kung anong pinagsasaluhan namin. Hindi natatapos sa kanto ng mesa.

Kaya naman hindi ko maipangakong palaging uuwi ng maaga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento