9.27.2009

Swim, Swim 2

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Walang kwenta ang pamasahe namin ni kuya. Walang magpapabayad para itawid kami sa baha na abot na daw sa windshield ng ten wheeler na trak.

Naalala ko ang isang short cut. Lulusot kami sa ilang mga bahay pero may sapa na dadaanan. Mag-aalas sinko na ng hapon. Mukhang pang-alas syete ng langit. Sumugod na kami.

Mabigat maglakad sa hanggang hitang baha. Masakit na ang ulo ko at bumigay na nang todo ang sipon ko. Mukhang ayos naman ang naisip naming short cut. Hanggang makita namin ang tatawirang sapa. Kapag binuksan mo ang gripo ng tubig na high pressured, ganoon ang itsura. Palakihin mo na lang ng mga tatlong metro. Hindi ko makita ang tulay. Hindi ko makita ang sapa. Kapag tag-init, sampung talampakan ang taas ng tulay mula sa naghihingalong sapa, sa pagkakatanda ko. Puro rumaragasang tubig na lang ang kita ngayon. Hindi ko isusugal ang mga tyansa, lalo pa't alam kong iisang tubong kinakalawang lang ang hawakan ng tulay. Walang pagpipilian. Bumalik ulit kami ni kuya sa pinanggalingan.

May isa pang pwedeng daanan. Hindi ito shortcut dahil kailangang ikutin ang isang buong subdivision para makalabas ng kalsada. Dadaan kami sa service road ng NLEX. May sapa daw ulit doon, sabi ni kuya. Pero mas ligtas kasi pwedeng sumandig sa bakod ng NLEX.

Puno ng pag-asa, sugod ulit.

Hindi ako makapaniwala. Paglampas mo ng Malinta Exit, sa NLEX, hindi aspalto o daan ang makikita mo, tubig baha. Chocolate. Malalim. At ilang taong lumalangoy. Isang Baliwag Transit Bus ang stranded sa gitna. Aabot na sa mga bintana sa gilid ng bus ang tubig. Malabo na ngang makaandar pa ang kotse namin. Wasak ang bakod na naghihiwalay sa service road at NLEX. Umaagos ang tubig papunta sa sapang binabanggit ni kuya.

May ilan pa ring dumadaan. Hanggang leeg daw ang tubig. May lubid. May mahabang hose ng tubig gamit ng bumbero. Gusto na naming makauwi kaya sumugod na kami ni kuya sa baha, ulit.
Hanggang tuhod. Hanggang bewang. Hanggang pwet. Nangangati na ang tumbong ko. Hanggang bewang. Buti na lang at naisupot ang mga cellphone namin. Hanggang dibdib. Problema ang wallet ni kuya na hawak ko, hindi naiplastik, kaya para akong tibak na nakataas kamao ngalang wallet ang hawak ko. Pagtapat sa sapa, rumaragasa na naman ang tubig. Hanggang balikat ko na ang agos. Hindi mapakinabangan ang lubid dahil natapakan yata ng kung sino.

Nauunang gumaod si kuya, nakasunod ako. Nakahawak ako sa payong na hawak din nya. Parang nakapasan sa balikat ko si Ruby Rodriguez. Sumisipa ako sa semento para lang makahakbang. Natatakot na baka matangay ng tubig. Sobrang bagal ng pagusad namin. Galing sa kaliwa, pakanan ang agos ng baha. Buti at nasa kaliwa ko sa kuya. Buti at mataba sya. Kung hindi, good luck.

Nang malapit na kami kung saan buo pa ang fence ng NLEX, at siguradong may makakapitan, isang lalaki ang humarang sa daan namin. Naipit yata sa parteng iyon ng harang nang gulong ng bike nya. Hindi kami makadaan. Lumalakas ang agos. Nandoon lang kami. Hinihintay namin syang mapakawalan ang bike nya. Hindi namin siya pwedeng ikutan. Wala kaming mahahawakan at siguradong maaanod kami. Natapos nya ang ritwal nya, lumutang ang bike. Lumutang ang lubid. Sya pala ang dahilan kaya wala kaming mahawakan kanina. Nakadaan kami, sa wakas. Nakausad din sya.

Nakatawid kami ng baha. Marami na din ang sumunod sumugod. Nang makatapak kami sa hindi binabahang kalsada, binuksan ni kuya ang payong nya. "Baka mabasa tayo ng ulan," sabi nya.

Alas sais ng makarating kami ng bahay. Naitaas na pala ng tita ko ang mga gamit namin, buti na lang. Binaha kami. Hanggang bukong-bukong lang naman. Maliban sa nakakahong mga scratch paper na nasa ilalim ng kama ko, na hindi ko alam kung bakit ba nandoon, at sa ilang kumot at unang nakatago sa kwarto nila mama, wala nang ibang nabasa.

Tapos na kaming maglimas, normal na sa bahay namin at sa paligid. Tuyo na ang mga scratch papers. Nalabhan na ang mga kumot at unan. Hindi kasimpalad ng iba ang lagay namin. Ayos na kami at sa mga darating pang bukas. Hindi naman tiyak sa iba kung paano mabubuhay sa mga susunod na araw. Hindi sila makakapaglaba. Hindi nila alam kung may malalabhan pa ng ba sila.

Ang budget para sa Pag-Asa? Saan ginagamit ang budget ng NDCC? ng AFP? ng Marines? Nasaan ang budget para sa floodways? drainage? Nasan ang budget ng DPWH?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento