9.27.2009

Swim, Swim

(Published in talboskamote.multiply.com & kahinlog.blogspot.com)

Nasa byahe ang pamilya ko pauwi, galing kami ng Bulacan. Ala-una ng hapon, nagising ako sa ingay ng usapan ni kuya at papa sa loob ng kotse. Pagtingin ko sa bintana, parang nasa langit na kami. Puting-puti ang paligid. Parang usok ng kung anong nasusunog. Halos wala nang makita sa daan. Nakakatakot na pati tail lights ng sinusundang mga sasakyan ay hindi na rin maaninag.

Tuloy-tuloy ang mga ulat sa radyo: lampas-ulong tubig, nasa bubong na ang mga tao, tinatangay ng baha ang tao at gamit, wala nang kumikilos na sasakyan, mga radio announcer na hindi makapagsimula ng programa dahil naipit sa trapik. Kinakabahan na kami para sa bahay naming abandonado. Hindi makontak ang tita ko sa katabing bahay.

Nagtanghalian na kami sa loob ng kotse. Dapat ay kanina pa kami kumain kaso ayaw ni Papa na magkalat sa loob ng sasakyan. Wala na syang nagawa, lahat kami ay gutom na, dahil sa mukhang wala kaming aasahan sa a la parking lot na na expressway.

Nasa NLEX na nga kami, lampas ng Meycuayan Exit, at higit ng kaunti sa isang kilometro mula Valenzuela Exit na syang exit point namin. Alas-tres na nang magdesisyong lumabas na si kuya at lakarin na lang hanggang exit. Mula Valenzuela Exit, isang sakay na lang ng jeep at nasa bahay na siya. Inaalala namin ang mga gamit sa bahay. Ang mga gamit na baka kusang hinugasan na ng baha kahit hindi naman namin pinapayagan.

Malakas ang hangin. Malabo pa rin ang paligid. Marami na ring mga tao ang bumaba ng kanikanilang bus at sinimulan nang maglakad. Sinubukan pa naming matulog at palampasin ang pagkaburyo pero hindi nakakarelax ang mga balitang pumapasok: nagdedelikado ang lahat -- mga bata, mga matatanda, mga may sakit, mga nawawala at hindi na makontak, dadalawang rubber boats na sasagip sa buong Marikina, mga malalaking rescue trucks na hindi na rin magamit sa lalim ng tubig, walang kuryente, putik, nagdedelubyong hangin, walang tigil na patak ng ulan.

Si Bayani Fernando ng MMDA lang ang narinig kong taong gobyernong nagpa-interview, at kahit sinasabi nyang ginagawa nila ang lahat, alam mong wala kang aasahan dahil mga hagdan at pink fence lang naman talaga ang specialty nila. Hindi ko narinig ang NDCC, PNRC, AFP. Nagsalita ang coast guards pero para lang sabihing wala na silang maipapadalang tulong dahil nagamit na lahat ng rescue boats.

Hindi na ako makatiis. Kinakabahan ako sa napakarami kong mga gamit sa eskwela, mga dokumentos, mga project at on-going papers na dapat tapusin na baka lumalangoy na sa tubig. At baka wala nang gumana sa kahit anong appliances namin kapag naghintay pa kaming umusad ang trapik. Bumaba na ako at sinundan si kuya. Binigyan ako ng trenta pesos ni mama sakaling mamasahe sa jeep pagdating ko ng tollgate.

Naglakad ako sa NLEX. Hindi ko mawari pero natatawa akong isipin na nilalakad ako ang kalsadang ni hindi ko nga gugustuhing lakaran noon. Mamamatay ka sa bilis ng mga sasakyan Naging madali ang paglusot-lusot sa pagitan ng mga malalaking trak at bus. Ang iiwasan mo lang talaga ay yung mga umiihi, lalaki at babae, sa gilid ng kalsada at mga gulong. Hindi pa rin tumitigil ang ulan, basang basa na ako sa lakas ng hangin. Natatawa na naman ako kung para saan pa ba ang pagsukob ko sa payong. Hindi malayo ang lakarin, maya-maya lang nasa Malinta Exit na ako.

Walang kumikilos na sasakyan. Kabaligtaran ng aligagang pabalik-balik na mga basang-basang mga tao. Mawala-sumulpot ang ulan. Tinunton ko ang Maysan Road, diretsong daan pauwi, para lang magulat sa isang bagong buong dagat. May mga nagtatangkang sumuong, sumunod ako. Nang marinig kong lampas tao ang tubig sa may gitna, aba, wag na lang. Bumalik ako. Nabasa ko ang text message ni Mama, nasa may di kalayuan lang daw si kuya at hindi rin makatawid.

Nagkita kami ni kuya. Ano nang gagawin namin?

Larawan mula sa :
http://www.reuters.com/article/worldNews/idUSTRE58P0RU20090926

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento